Header Ads

Konstruksyon ng Bulacan airport, aarangkada sa Setyembre


Handa na ang San Miguel Corporation (SMC) sa panukalang konstruksyon ng bagong airport sa Bulacan sa Setyembre bilang tugon sa umano’y patuloy na pagsisikip ng serbisyo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay SMC president Ramon Ang, pinaglaanan nila ang proyekto ng P735.6 bilyon at ito ay itatayo sa Bulakan, Bulacan sa sandaling magbigay na ng go-signal ang gobyerno para sa pagsisimula ng paliparan.

Sinabi ni Ang na tatawagin nila ang bagong paliparan na New Manila International Airport (NMIA).

Idinagdag ni Ang na handa na rin ang SMC na i-award ang mga kontrata sa kanilang mga contractor sa Setyembre kapag natanggap na nila ang award mula sa Department of Transportation bilang nanalong bidder sa proyekto.

Sa ilalim ng panukala ng SMC, itatayo ang bagong paliparan sa lawak na 2,500 ektarya.






Ang unang bahagi ay binubuo ng dalawang parallel runway at may kapasidad na 35 milyong pasahero kada taon.

Itatayo aniya ito sa loob ng tatlo hanggang apat na taon.

Sinabi ni Ang na inaasahan nilang magkakaroon din ito ng multiple parallel runways at kapasidad ng mahigit sa 100 milyong pasahero kada taon.

Ang SMC ang magde-develop at mag-o-operate ng proyekto sa ilalim ng 50-year concession period.

Sinabi ni Giovanni Lopez, chairperson ng bids and awards committee ng DOTr, na ilalabas nila ang resolusyon na nagrerekomenda ng pag-award ng proyekto sa SMC kapag wala pa ring lumutang na challenger sa itinakda nilang deadline sa Hulyo.






Katunayan aniya ito na nabigo ang iba pang bidder na lagpasan ang alok na programa ng SMC para sa pagtatayo ng bagong paliparan sa mas malaking lugar simula nang ilunsad ng ahensya ang bidding process noong Abril.

Sa kasalukuyan, ino-operate ng SMC ang Boracay airport at naging part owner din ng Philippine Airlines simula noong 2012 hanggang 2014.


The post Konstruksyon ng Bulacan airport, aarangkada sa Setyembre appeared first on Philippine News.

Post a Comment

0 Comments