Nagbabala ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa mga ahensya ng gobyerno na hindi kikilalanin ang Philippine ID na may karampatang multa dito sa ilalim ng Philippine ID System Act.
Ayon kay PSA Administrator Lisa Grace Bersales, pagmumultahin ng P500,000 ang sinumang hindi kikilala sa Philippine ID.
Gayundin, may parusa na anim na buwan hanggang dalawang taong pagkakabilanggo at may multang P50,000 hanggang sa P500,000 sa mga gagamit ng Philippine ID sa anumang maanomalyang gawain, aniya.
Bukod dito, ang mga magpapalabas naman ng data o impormasyon nang walang otorisasyon ng may-ari ng ID ay makukulong ng anim hanggang sampung taon at magmumulta ng P3-milyon hanggang P5-milyon.
Bilang proteksyon naman sa may ari ng ID, paparusahan ng pagkakakulong ng 10 hanggang 15 taon at multang P5-milyon hanggang P10-milyon para sa sinumang opisyal at empleyado ng PSA na mangangasiwa sa Philippine ID na malisyosong magpapalabas ng impormasyon at data ng isang indibidwal. (PIA-NCR)
0 Comments